UNDAS | MMDA, naghahanda na para sa Undas 2018

Nagsimula nang maghanda ang Metro Manila Development Authority (MMDA) para sa nalalapit na paggunita ng Undas ngayong taon.

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, sinimulan na ng kanilang task force special operations ang paglilinis sa mga kalsada patungo sa mga sementeryo at memorial parks.

Pinapaganda na rin ng Metro Parkway Clearing Group ang paligid ng mga libingan kung saan nilinaw naman ni Garcia na bahala na ang mga lokal na pamahalaan sa paglilinis ng mga sementeryo sa kanilang nasasakupan.


Sa Oktubre 27 ay ikakasa na ng MMDA ang Oplan Undas 2018 at kanilang ipapakalat ang nasa 2,000 traffic personnel sa mga kritikal na lugar mula umaga hanggang gabi para ayusin ang daloy ng trapiko.

Ang mga pangunahing sementeryo na pangangasiwaan ng MMDA ay ang Manila North sa Maynila, Manila South sa Makati City, Loyola Memorial Park sa Marikina City, Bagbag Public Cemetery sa Quezon City at Manila Memorial Park sa Parañaque City.

Dagdag pa nito, suspindido na rin ang number coding scheme sa Nobyembre 1 at 2, na idineklarang non-working holidays.

Facebook Comments