Kinwestyon ni Senator Risa Hontiveros ang ‘underspending’ o mababang paggastos ng ilang malalaking ahensya ng gobyerno ngayong 2023 sa pag-uumpisa ng deliberasyon para sa pambansang pondo ng susunod na taon.
Tinukoy ni Hontiveros ang pahayag ng Commission on Audit (COA) na napagkakaitan ang taxpayers ng paghahatid ng gobyerno ng mga produkto at serbisyo dahil sa underspending o hindi paggamit nang husto sa kanilang mga pondo.
Batay sa nakuhang report mula sa Bureau of Treasury, P2.5 trillion ang target na spending ng pamahalaan sa unang kalahati ng taon pero nasa P2.42 trillion naman ang actual disbursement.
Sinabi naman ni Finance Committee Chair Senator Sonny Angara, sponsor ng panukalang budget, na sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na nagsumite na sila kay Pangulong Bongbong Marcos ng ‘catch up plan’ para mahabol ang underspending at matiyak na gugugulin ang nakalaang pondo.
Tinukoy ang top 5 na mga ahensya na nangunguna sa underspending, ang Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Migrant Workers, Department of Social Welfare and Development, Department of Energy at Department of Tourism.
Ang mga nabanggit na ahensya ay nagkaroon ng isyu sa procurement, late deliveries ng produkto, pumalya na bidding, mahabang proseso ng verification, at profiling ng beneficiaries ng mga ayuda sa pamahalaan.
Hirit naman ni Hontiveros na magpatupad ng reporma para sa mabilis at mas episyenteng paggamit ng pondo ng gobyerno.