Matapos ang mahigit pitong oras na paghahanap sa iba pang posibleng biktima ng tumaob na bangka, tinapos na ng Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP), at Philippine Red Cross (PRC) ang underwater search and rescue/retrieval operation sa Binangonan, Rizal, bandang alas- 1:30 ng hapon kanina.
Sa pinakahuling tala ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Binangonan, Rizal kaninang 2:10PM, nananatili pa rin sa 40 ang nakaligtas, at 26 naman ang binawian ng buhay sa trahedya.
Sa 26 na binawian ng buhay, anim ang hindi pa malinaw ang pagkakakilanlan.
Samantala, magpapatuloy naman ang surface search and rescue/retrieval operation ng mga awtoridad bukas.
Nilinaw naman ng PCG, na walang missing o nawawala sa nasabing insidente.