Manila, Philippines – Pinapakilos ni Senator Sonny Angara ang pamahalaan para tugunan ang resulta ng July 2018 labor force survey na mahigit isang milyon sa 2.32 milyong mga Pilipino na walang trabaho ay pawang mga kabataan.
Bunsod nito ay iginiit ni Senator Angara sa Department of Labor and Employment (DOLE) na palakasin ang mga programang magbibigay ng trabaho.
Inihalimbawa ni Angara ang public employment service office, special program for employment of students at jobstart program.
Diin pa ni Angara, dapat ay siguruhin din na ang mga trabahong ipagkakaloob ng gobyerno ay magbibigay ng sapat na kita.
Ipinunto ni Angara na bagaman at bumaba ang bilang ng mga walang trabaho ay lumalabas din sa survey na tumaas naman sa 17.2% ang dating 16.3% na underemployment rate.