Isinusulong ni Marikina Representative Stella Quimbo ang pagkakaroon ng social protection program para sa mga manggagawa.
Paliwanag ni Quimbo, apat na bansa na sa South East Asia ang nagpapatupad ng unemployment insurance program at malaking tulong ito para sa mga manggagawang nawalan ng trabaho ngayong may pandemya.
Kaugnay nito ay inihain ng lady solon ang House Bill 7028 na layong bumuo ng National Unemployment Insurance Program.
Sa ilalim ng panukala, bago pa man maalis sa trabaho ang isang empleyado ay katumbas ng 80% ng basic pay nito ang makukuhang unemployment insurance payment na may P40 kada buwan na kontribusyon.
Limitado lamang sa mga manggagawa na imboluntaryong tinanggal sa trabaho ang nasabing benepisyo upang maiwasan na abusuhin ng mga empleyadong basta na lamang umalis sa trabaho o palipat-lipat ng papasukan.
Kabilang sa safeguards ng panukala ay dapat nakabuo na ng anim na buwan na kontribusyon ang isang empleyado sa loob ng 12-month period bago ang pagkatanggal nito sa trabaho.
Para naman sa unang taon ng programa, magkakaroon ng P30 bilyon endowment fund kung saan isa-subsidize muna ng pamahalaan ang premium contributions bilang bahagi ng economic stimulus.