Pormal nang sinimulan ang tatlong araw na International Christian Union of Business Executives (UNIAPAC) World Congress sa isang hotel sa Pasay City.
Ang UNIAPAC World Congress Conference ay ginaganap kada tatlong taon sa iba’t ibang bansa.
Ito ay nilalahukan ng mahigit 45,000 Christians business leaders mula sa 40 mga bansa.
Ayon kay Joey Avellana, chairman ng UNIAPAC World Congress Organizing Committee, hinihimok din nila sa UNIAPAC World Congress ang mga kabataan na maging aktibo sa pagnenegosyo.
Layon aniya nito na makatulong sa ekonomiya ng bansa na siya ring isa sa mga adhikain ng Vatican at ng Santo Papa.
Ayon naman kay UNIAPAC President Sigrid Marz, sa kanilang conference, tinuturuan din nila ang business leaders hinggil sa kung paano nila malalagpasan ang mga hamon sa pagnenegosyo.
Kabilang din sa mga dumalo sa conference ang ilang kinatawan mula sa Vatican.
Dumalo rin sa UNIAPAC World Congress Conference si Radio Mindanao Network President and Chairman Eric Canoy.
Ang UNIAPAC ay isang international meeting place para sa Christian business executives na may layuning i-promote ang Christian social thought sa mundo ng pagnenegosyo at sa komunidad.