UNICEF, pinatitiyak sa Pilipinas na lahat ng mga bata ay mabakunahan kontra polio at tigdas

Nanawagan ang United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF) sa publiko na magtulungan na mabakunahan ang mga bata.

Ito ang pahayag ng UNICEF kasabay ng paglulunsad ng Pilipinas ng measles at polio immunization campaign.

Ayon kay UNICEF Philippines Health and Nutrition Chief Malalay Ahmadzai, suportado nila ang Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng vaccine procurement at delivery, pagbuo ng immunization guidelines, social mobilization at pagpapalakas ng kapasidad ng DOH at Local Government Units sa buong bansa para matiyak na walang batang hindi mababakunahan.


Pinayuhan ni UNICEF official ang mga magulang na magtungo sa vaccination centers at pabakunahan ang kanilang mga anak.

Sa ngayon, mayroong 17 kaso ng polio sa Pilipinas, na itinuturing na nakakamatay na viral disease.

Ang nationwide Measles Rubella-Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity ay isasagawa sa dalawang bahagi.

Ang Phase 1 ay mula October 26 hanggang November 5 sa Mindanao, Cordillera, Ilocos Region, Cagayan Valley, MIMAROPA at Bicol Region.

Sa February 2021 naman gagawin ang Phase 2 sa Visayas, Metro Manila, Central Luzon at CALABARZON.

Ang mga batang may edad 9-59 months old ay bibigyan ng measles-rubella vaccine habang 0-59 months old ay bibigyan ng oral polio vaccine.

Facebook Comments