Nabigyan ng bagong tahanan ang isang inabandonang tuta na espesyal dahil sa buntot na tumutubo sa gitna ng noo nito.
Malamig ang panahon nang matagpuan ng Mac’s Mission, rescue organization sa Missouri, ang tuta na may iniindang sugat sa paa habang pagala-gala sa kalye kasama ang isa pang aso.
Layunin ng organisasyon na tulungan ang mga asong may espesyal na pangangailan, may depekto sa katawan, at mga nakaranas ng pang-aabuso.
Dinala ng grupo sa kanilang kalinga ang dalawa at pinangalan ang tuta ng “Narwhal the Little Magical Furry Unicorn”.
Mabilis na umani ng suporta online si Narwhal matapos ibahagi ng grupo sa Facebook ang kuwento nito at ilan pang mga video.
Sa isang post, nasagot ang karaniwang tanong tungkol sa kondisyon ng tuta: kung gumagalaw rin ba ang buntot nito sa noo tuwing nasasabik?
Dinala ng grupo si Narwhal sa beterinaryo at nadiskubreng hindi konektado sa anuman ang buntot nito sa noo.
“The extra tail is not connected to anything and has no real use other than making him the COOLEST PUPPY EVER!” saad nila sa post.
Sa ngayon, wala pa umanong dahilan para tanggalin ang buntot sa noo ni Narwhal.
Hindi ito nakakasagabal sa paglaki at normal ang kilos ng tuta tulad ng iba pang asong isa lang ang buntot, base sa mga video sa Facebook page ng organisasyon.