Unified database para sa mga bakunado kontra COVID-19, ipinanawagan ni VP Robredo

Nanawagan si Vice President Leni Robredo sa pamahalaan na magkaroon ng ‘unified database’ para sa mga nakakumpleto na ng bakuna.

Ito ay makaraang hindi tanggapin ng Hong Kong government ang vaccination cards ng mahigit 3,000 overseas Filipino workers (OFWs) na nakatakda sanang magbalik-trabaho sa nasabing bansa.

Sa Twitter, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin na hindi kinilala sa Hong Kong ang vaccination cards mula sa mga local government unit (LGU) at Bureau of Quarantine (BOQ) sa kadahilanang hindi ito konektado sa iisang source.


Kaugnay nito, sinabi ni Robredo na habang nagpapatuloy ang pagbabakuna ay asikasuhin na rin dapat ang paggawa ng iisang database para sa buong bansa.

Darating at darating kasi aniya ang panahon na hindi na lamang Hong Kong ang magre-require nito sa mga OFW.

“Nagbigay na ng advisory ang National Vaccination Operations Center na yung mga fully vaccinated daw pwede nang mag-apply ng yellow card sa Bureau of Quarantine kung ang destination country, nagre-require ng proof of vaccination. Doable pa ito ngayon, hindi pa ganon kadami yung nangangailangan nito,” ani Robredo sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila.

“Pero dadating yung panahon na ang daming mangangailan, dito tayo nagbubuhol-buhol dahil sa dami. So sa’kin Ka Ely, this early, sana magkaroon na ng isa lang na data base sa buong bansa ng nababakunahan at i-decentralize na ito,” dagdag niya.

Mungkahi pa ni Robredo, dapat na pagkatapos ng second dose ay agad na bigyan ang vaccinees ng proof of vaccination na tanggap sa anumang bansang pupuntahan nito.

“Gawin na ‘yung sistema ngayon para hindi na naaabala. Dapat nandun sila sa kung saan sila nagtatrabaho at this particular time, nakaabala ‘yung Bureau of Quarantine vaccination card, hindi sila nakapunta, baka mawalan pa sila ng trabaho.”

Facebook Comments