Iginiit ni House Deputy Speaker at Batangas Representative Ralph Recto na resolbahin muna ang lahat ng isyu bago muling ipatupad ang No Contact Apprehension Program o NCAP.
Diin ni Recto, mainam kung iutos ng Malacañang ang isang pag-aaral na ang layunin ay bumalangkas ng isang national policy guidelines o nag-iisang pangkalahatang patakaran para sa NCAP.
Paliwanag ni Recto, kailangan ng malawakang konsultasyon para magkaroon ng iisang guidelines na maaaring ipatupad sa buong bansa hinggil sa paggamit ng CCTV sa paghuli sa mga pasaway na motorista.
Ayon kay Recto, mahalaga na magkaroon ng pamantayan sa mga multa sa bawat paglabag sa batas-trapiko at dapat ding limitahan ang kita ng pribadong contractors.
Binanggit ni Recto na dapat maituwid na ang mga depekto ng NCAP para wala ng maging reklamo sa posibleng muling implementasyon nito sa Abril.