Suspek sa pagpatay sa New Zealand national sa Makati City noong Linggo, nakilala na

Tukoy na ng Southern Police District (SPD) ang suspek sa pagpatay sa turistang New Zealand national sa Makati City noong Linggo, February 19.

Kinilala ng SPD ang suspek na si John Mar Manalo ng Bicutan, Taguig City.

Si Manalo ay itinuro ng mga testigo na nakakita sa pamamaril nito sa 34-anyos na New Zealand national na si Nicholas Peter Stacey.


May kalahating milyong piso na ring pabuya para sa makapagtuturo sa kinaroroonan ng suspek.

Ang naturang dayuhan ay naglalakad sa Filmore Street, Barangay Palanan, Makati City noong Linggo ng madaling araw kasama ang kasintahang Pinay nang hablutin ni Manalo ang gamit ng girlfriend nito.

Sumaklolo naman ang New Zealand national kaya siya ang binaril ng suspek.

Si Manalo ay nahaharap sa kasong robbery with homicide.

Napag-alaman na ang suspek ay una na ring nakasuhan sa korte sa Malolos, Bulacan ng robbery with intimidation.

Una na ring naglabas ng travel advisory ang New Zealand Embassy kung saan pinag-iingat nila ang kanilang nationals sa Pilipinas.

Facebook Comments