Cauayan City, Isabela- Bumuo ng isang grupo ang ilang uniformed personnel na kabilang sa tribong Sumadel sa Lalawigan ng Kalinga upang matulungan ang mga kababayan na na-stranded sa iba’t-ibang lugar dahil sa ipinatupad na Enhanced Community Quarantine bunsod ng Coronavirus Diseases (COVID-19) pandemic.
Sa ibinahaging impormasyon ni SSgt. Rosalina Sagudang ng 5th CMO Battalion, 5th ID, Philppine Army, nagsimula ang kanilang asosasyon noong April 17, 2020 na binubuo ng mga kasapi ng AFP, BFP, BJMP, Coast Guard at PNP.
Nagkaisa ang grupong Association of Ysumadel Uniformed Personnel Aiming to Care for the Needy (AYUPACN) upang tulungan ang mga kababayang hindi nakauwi sa kani-kanilang tahanan gaya ng mga estudyante, reviewees, mga aplikante, mga nawalan ng tarabaho maging ang mga ‘No Work, No Pay’ situation.
Ito ay bilang tulong na rin sa gobyerno na sa pamamagitan ng kanilang binuong asosasyon ay matutulungan rin ang mga kababayan na hirap sa buhay na higit na naapektuhan ng ECQ.
Sa ngayon ay mayroon nang nalikom ang grupo ng halagang Php233,100.00 sa pamamagitan ng kanilang pagbibigay ng anumang halaga mula sa kanilang sariling bulsa.
Nasa mahigit 300 katao na rin ang nabiyayaan ng tulong sa pamamagitan at inaasahang madadagdagan pa ang mga mabibigyan ng sapat na mga relief goods.
Ayon pa kay SSgt. Sagudang, magpapatuloy ang pagtulong ng kanilang grupo hindi lamang ngayong may krisis sa COVID-19 dahil maging sa anumang sakuna o kalamidad na hindi inaasahang darating sa mga susunod na panahon.
Hinihikayat ang iba pa na gumawa rin ng paraan na makatulong sa pamahalaan lalong-lalo na sa mga kababayan.