
Nagsama sama ang iba’t ibang transport groups para igiit ang subsidiya sa petrolyo at hindi puro ayuda.
Ang grupo na tinawag na United Transport Alliance Nationwide na samahan ng mga driver ng jeepney, taxi, tricycle, buses at iba pang pampublikong transportasyon ay nagpasa ng kanilang position paper sa Malacañang ukol sa dapat anilang aksyon sa epekto ng oil crisis sa sektor.
Ayon kay National Public Transport Coalition President Ariel Lim, dapat ipako at ibalik sa ₱55 pesos per liter ang kada litro ng diesel habang patuloy ang tensyon sa Gitnang Silangan.
Ang sobra aniya sa ₱55 ay gobyerno na dapat ang babalikat.
Sa ganito kasi aniyang halaga, may kikitain pa kahit paano ang mga tsuper .
Mas maganda at ramdam aniya ang fuel subsidy kesa sa ayuda na hindi naman umano lahat nabibigyan at maaaring nakokorap lang ng kung sinong mga tiwali.
Para naman kay Mar Valbuena, ang Chairman ng MANIBELA, may ikinakasa na silang tigil-pasada sa miyerkules sa susunod na linggo.
Kung hindi aniya aaksyon ang gobyerno sa kanilang hirit, mapipilitan muli silang ituloy ito.
Sinabi ni Valbuena na isusumite nila sa kinauukulan ang position letter at umaasa silang aaksyon ang pamahalaan
Pero hirit ng ibang transport group, mukhang hindi na kailangan ng tigil pasada dahil marami naman na talaga ang huminto sa pagbiyahe dahil sa mahal ng krudo.










