Ibinabala ni Senator Imee Marcos ang posibilidad na mawalan ng silbi ang Universal Health Care Act pati na ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kung tuluyang mag-boycott ang mga ospital at hindi na magpapa-accredited sa ahensya sa susunod na taon.
Ayon kay Marcos, ngayong walang trabaho at walang pera ang mga tao, sino ang magbabayad sa kanilang medical expenses kung hindi na rehistrado sa PhilHealth ang mga ospital?
Tinukoy ni Marcos na halos 95 milyon na direct at indirect contributors’ ng PhilHealth ang nababahalang mawawalan ng benepisyo kung matutuloy ang bantang boycott ng mga ospital.
Diin ni Marcos, hirap na ang mga doktor at mga nurse at nalalagay na sa alanganin ang mismong hospital operations dahil kinakapos na sa pondo.
Dahil dito ay iginiit ni Marcos sa PhilHealth na bayaran agad ang bilyon-bilyong utang nito sa mga ospital at kasuhan na lang ang mga gumagawa ng up casing kapag may pruweba.
Tutal, ayon kay Marcos, ipababalik naman ng korte sa PhilHealth ang pera na may dagdag pang interes kung talagang may sala ang mga ospital.