Universal Health Care Bill, lalagdaan na raw ni Pangulong Duterte ngayong linggo

Manila, Philippines – Nakatakda na umanong lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong linggo ang Universal Healthcare Bill.

Ito ang inanunsyo ni Senador JV Ejercito sa pangangampanya ng hugpong ng pagbabago sa Vigan, Ilocos Norte kanina.

Si Ejercito ay isa sa mga may-akda ng nasabing panukalang batas na layong mabigyan ng Universal Healthcare coverage ang lahat ng mga Pilipino.


Tinatayang P257-billion ang kinakailangan para mapondohan ang panukala pero P217-billion lang ang nailaan para rito sa ilalim ng proposed 2019 national budget.

Dahil dito, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi lahat ng mga ospital o health centers na layong maipatayo sa ilalim ng panukala ay maipapagawa.

Disyembre nitong nakaraang taon nang maratipikahan ang Universal Health Care Bill at pirma na lang ng Pangulo ang kailangan para tuluyan itong maisabatas.

Facebook Comments