Prayoridad ng Department of Health (DOH) sa susunod na taon ang implementasyon ng Universal Health Care Law at COVID-19 Initiatives.
Sa budget deliberation ng DOH sa Kamara, mas mataas ng 27% ang kanilang pondo na nasa ₱204 billion kumpara sa ₱176 billion ngayong 2020.
Nasa 62% ng budget ng ahensya ay mapupunta sa DOH-Office of the Secretary na nasa ₱127.29 billion, habang 35% naman ng pondo ng ahensya ay mapupunta sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na nasa ₱71.35 billion.
Sa ilalim ng budget ng DOH-OSEC ay ₱51.99 billion ang ilalaan para sa pagpapatupad ng UHC at COVID-19 Initiatives.
Sa ₱38.96 billion na budget sa UHC implementation, ₱16.58 billion ang ilalaan para sa deployment ng nasa 23,364 na mga doctors, nurses, midwives, dentists, pharmacists, medical technologists, nutritionists-dietitians, at physical therapists gayundin ng pagbibigay ng 3,492 na scholarship grants.
Kasama rin dito ang ₱4.78 billion na alokasyon para sa procurement ng health facilities, equipment at ambulansya.
Sa ₱13.03 billion naman para sa COVID-19 Initiatives, paglalaanan ng pondo dito ang pambili para sa COVID-19 vaccines, PPEs, COVID-19 cartridges, at iba pang mga hakbang at pagtugon ng ahensya laban sa Coronavirus.