Pinare-review ng Gabriela Women’s Partylist sa Kamara ang Universal Healthcare Law kasunod na rin ng mga apela at reklamo ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) kamakailan sa pagtaas sa singil ng premium hike ng PhilHealth.
Giit ni Gabriela Representative Arlene Brosas, hindi sapat ang ginawang verbal lang na utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa PhilHealth na suspendihin muna ang pangongolekta ng dagdag na premium contribution sa mga OFWs habang nahaharap sa krisis dahil sa Coronavirus Disease.
Aniya, kailangan ng kongkretong aksyon na baguhin ang batas upang hindi na makasagabal at makapagpahirap pa sa mga OFWs na ngayon ay nahinto o nawalan ng hanapbuhay dahil sa COVID-19.
Inihain ng grupo sa Kamara ang House Resolution 827 na nag-aatas na i-review agad at amyendahan ang RA 11223 o ang Universal Health Care Law (UHCL).
Naniniwala ang Kongresista na nasa mismong batas ang ugat ng problema ng dagdag na premium at mandatory contribution ng mga OFWs kaya dapat itong masilip at mabago ng mga mambabatas.
Kasama sa mga sisilipin ng Kongreso ang inilatag na implementing rules and regulations na nag-oobliga bigla sa mga OFWs na magbayad ng mataas na kontribusyon sa PhilHealth.