
Pinaiimbestigahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang malawakang wastewater spill ng Universal Robina Corp. (URC) Bais Distillery sa Negros Oriental, na nagdulot ng fish kill at pinsala sa kabuhayan ng mga mangingisda.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, iniutos ng pangulo sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magsagawa ng agarang containment operations at tukuyin kung may nilabag ang URC sa ilalim ng Republic Act 11038 o Expanded NIPAS Act of 2018, dahil malapit sa Tañon Strait Protected Seascape ang pinagmulan ng tagas.
Batid na umano ni Pangulong Marcos ang insidente at mahigpit na inatasan ang DENR, Philippine Coast Guard (PCG), at mga local government units na kumilos agad para pigilan ang pagkalat ng kontaminasyon.
Dagdag ni Castro, pinatawag na ng DENR ang mga opisyal ng URC Bais Distillery at inutusan silang agarang ayusin at linisin ang pinsala.
Kasabay nito, pinagbawalan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mga residente na mangisda o mangolekta ng lamang-dagat sa mga apektadong lugar dahil sa panganib sa kalusugan.
Batay sa ulat, tinatayang 255,000 cubic meters ng wastewater ang kumalat sa Bais Bay at mga karatig dagat, dahilan ng malawakang fish kill at pagdeklara ng 90-day state of calamity sa bayan ng Manjuyod.









