Manila, Philippines – Hanggang 60- araw lamang at hindi pwedeng gawing unlimited ang extension ng martial law base sa itinatakda ng 1987 constitution.
Ito ang ipinaliwanag ni Senate Minority Leader Franklin M. Drilon sa harap ng mainit na usapin ng posibleng hirit na pagpapalawig sa batas militar na umiiral ngayon sa buong Mindanao.
Diin pa ni Drilon, nakapalood din sa konstitusyon na ang kongreso lamang ang maaring mag apruba ng posibleng extension ng martial na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao.
Kaugnay nito ay tiniyak ni Senator Drilon na hindi kakatigan ng senado ang lumutang na mungkahi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na 5-taong extension ng martial law sa Mindanao.
Katwiran ni Drilon, walang senador na nasa matinong pag iisip ang susuporta sa napakatagal na pag-iral ng martial law.
Tiwala din si Drilon sa pahayag ni Pangulong Duterte na kaya ng tapusin sa loob ng 15 araw ang gulo sa Marawi na hatid ng karahasang inihahasik ng Maute terror group.