Unlimited na batas militar sa Mindanao, ibinabala

Nagbabala ang Makabayan bloc na hindi malayong maging unlimited ang batas militar sa Mindanao kung gagawin pa ang isang taon na pagpapalawig dito.

Katwiran ng mga progresibong mambabatas, ginagawa na lamang na sangkalan ng gobyerno ang mga insidente ng pambobomba sa Sulu para ma-justify ang martial law extension.

Sa halip na isulong na naman ang pagpapalawig sa batas militar, iginiit ni Bayan Muna Representative Carlos Zarate na solusyunan ang kahirapan sa Mindanao.


Patunay aniya dito ang kabiguan pa ring makabangon ang Marawi na matapos ang dalawang taong napalaya ito mula sa pananakop ng mga terorista ay hindi pa rin matapos-tapos ang rehabilitasyon.

Sinabi naman ni Act Teachers Party-list Representative France Castro na wala ng basehan sa ilalim ng saligang batas ang ika-apat na beses na pagpapalawig ng martial law.

Nauna nang inihirit ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na palawigin pa ng isang taon ang batas militar sa Mindanao bago ito mapaso sa Disyembre ng kasalukuyang taon.

Facebook Comments