Isinulong ng apat na senador ang Senate Bill number 2002 na layuning ma-institutionalize ang 1989 agreement sa pagitan ng University of the Philippines (UP) at Department of National Defense (DND).
Kabilang sa naghain ng nabanggit na panukala ay sina Senators Grace Poe, Nancy Binay, Sonny Angara at Joel Villanueva na siya ring Chairman ng Committee on Higher Education, Technical and Vocational Education.
Iniaatas sa panukala ang pag-amyenda sa University of the Philippines Charter para obligahin na mag-abiso bago pumasok sa lahat ng campus ng UP ang mga pulis at sundalo kapag may isasagawa silang imbestigasyon o law enforcement operations.
Pero exempted sa pagbibigay ng abiso kapag may hot pursuit o emergency cases ang mga otoridad.
Itinatakda rin ng panukala na dapat may abiso muna sa mga opisyal ng UP ang pagsisilbi ng search at arrest warrants sa mga faculty, empleyado, estudyante o bisita sa loob ng campus.