UP-PGH na itinalagang COVID-19 referral center, kayang tumanggap ng 30 hanggang 40 pasyente kada araw

Naghahanda na ang University of the Philippines – Philippine General Hospital (UP-PGH) para sa kanilang full operation bilang isa sa COVID-19 referral centers na itinalaga ng Department of Health (DOH) sa Metro Manila.

Sa interview ng RMN Manila kay UP-PGH Spokesman Dr. Jonas Del Rosario, nasa 130 hospital beds ang kanilang inilaan para sa mga COVID patients.

Handa na rin aniya ang kanilang mga doktor at mga medical staff na umagapay sa mga pasyenteng posibleng tinamaan ng COVID-19.


Pero aminado si Del Rosario na bagamat sakto ang kanilang medical supplies, kinakailangan pa rin nila ng karagdagang Personal Protective Equipments (PPE) lalo na at nasa 30 hanggang 40 patients kada araw ang inaasahan nilang matutulungan.

Sa ngayon ay binuksan na ng UP-PGH ang kanilang online portal at hotline na COVID bayanihan action center.

Bukod sa PGH, itinalaga rin ng DOH bilang COVID-19 referral centers ang Dr. Jose M. Rodriguez Memorial Hospital sa Caloocan City at Lung Center of the Philippines sa Quezon City.

Facebook Comments