Inamin ni University of the Philippines – Philippine General Hospital (UP-PGH) Spokesperson Dr. Jonas del Rosario na hindi na siya ang unang matuturukan ng bakuna mula sa Chinese pharmaceutical company na Sinovac.
Kasunod ito ng kanyang deklarasyon na handa siyang unang maturukan ng bakuna sa hanay ng PGH, na makatutulong para mapataas ang kumpiyansa ng publiko sa mga bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Del Rosario, bagama’t hindi siya nagback-out, nagpasya ang Inter-Agency Task Force (IATF) na alisin na siya sa listahan ng mga mauunang mababakunahan.
Hindi naman malinaw sa tagapagsalita ang tunay na dahilan ng desisyon pero sa ngayon ay hinihintay na lamang ang listahan ng mga tatanggap ng bakuna mula sa kanilang hanay.
Paliwanag pa ni Del Rosario, isa sa mga tinitingnan niyang dahilan ay ang dati na niyang pagkahawa sa COVID-19.
Pero kung pag-uusapan naman ang pagkakaroon ng antibodies, mas mabuti pa rin aniya na yung mga wala pa ang unang mabakunahan dahil limitado lamang ang bilang ng mga bakunang unang darating sa bansa.
Matatandaang ang PGH ay kasama sa listahan ng unang mabibigyan ng bakuna kasama ng Lung Center of the Philippines at Dr. Jose Memorial Rodriquez Hospital.