Target ngayon ng Board of Pardons and Paroles na mapalaya ang libu-libong preso sa bansa upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa mga bilangguan.
Sa interview ng RMN Manila kay Department of Justice (DOJ) Undersecretary Markk Perete, ang kanilang hakbang ay dahil na rin sa pagtaas ng bilang ng mga Person Deprived of Liberty (PDL) na nagpositibo sa COVID-19 sa iba’t ibang pasilidad ng Bureau of Corrections (BuCor).
Ayon kay Perete, kada linggo, aabot sa 200 PDLs na eligible for parole ang kanilang inirekomenda para palayain.
Bukod dito, may mga quarantine at isolation facilities na rin ang BuCor para sa mga presong posibleng tamaan ng COVID-19.
Batay sa COVID-19 daily monitoring report, umabot na sa 161 ang bilang ng mga bilanggo na nagpositibo sa virus sa bansa.
Pinakamaraming tinamaan na PDLs ng nakakahawang sakit sa New Bilibid Prison na may 82 confirmed cases, kung saan walo ang naka-recover habang anim ang pumanaw.
Samantala, sa hanay ng mga personnel, 32 ang confirmed COVID-19 cases habang tatlong personnel naman ang nasawi.