(Update) Hot Pursuit Operation, Ikinasa Kontra sa mga NPA sa Northeastern Cagayan

Camp Melchor F Dela Cruz, Upi, Gamu,Isabela – Kasalukuyan ang hot pursuit operation kontra sa mga responsible sa panununog ng heavy equipment, pagkumpiska sa armas ng mga tanod at paghahalughog sa mga bahay sa mga barangay ng magkatabing bayan ng Buguey at Sta Teresita, Cagayan.

Ito ang nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan News sa kalatas na ipinaabot 5th Infantry Division Philippine Army.

Ayon sa Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5ID, PA, noong umaga ng Oktubre 8, 2017 ay 40 armadong NPA ang sumalakay sa DATAJ Company sa Barangay Dungeg, Sta Teresita, Cagayan at sapilitang kinuha ang kalibre 45 na service pistol ng isa sa dalawang security guard bago sinunog ang dalawang backhoe at dump truck ng naturang kumpanya.


Samantala, sa hiwalay namang pangyayari ay sampung NPA ang sumalakay sa Brgy Villa Cielo, Buguey, Cagayan at kinuha ang apat na shotgun na may balang 30 mula sa mga tanod na nakaduty. Kinuha din ang mga cellphone ng mga sibilyang naroon matapos silang maghalughog sa mga bahay.

Sa kanilang pag alis ay kanilang kinarnap ang isang elf bilang getaway vehicle patungong Sitio Bantay Bato ng Barangay Villa Cielo.

Sa karatig bayan ng Buguey, naligalig ang mga residente ng Barangay Tabbac nang mahigit 20 na armado ng matatas na kalibre ng baril ang lumantad at naghalughog sa mga bahay at sapilitang kinuha ang mga cellphone, personal na kagamitan at ilang baril ng mga sibilyan.

Binihag at pinagbantaan pa umano ng mga NPA na papatayin ang isang sibilyan na si Jose Malabbo at isang CAFGU na si William Tinaza ngunit kanila ring pinakawalan matapos makiusap ang mga tao sa komunidad. Ang grupo ay pinagbabaril pa umano ang isang Ford Fiera na nagdulot ng matinding takot sa driver nito.

Dahil dito ay mariing kinokondena ni MGen Paul Talay Atal, D.P.A. AFP, ang commanding general ng 5th ID ng Philippine Army ang ginawang ito ng mga komunista. Sinabi pa ng heneral na ang mga kagaya nitong mga karahasan ang dahilan kung bakit umatras si Presidente Duterte mula sa usapang pangkapayapaan. Sa likod ng umano ay pagpapakilala ng mga CPP-NPA na tagapagtaguyod ng kapayapaan ay taliwas ito sa kanilang ginagawang karahasan sa mga tao at komunidad.

Magugunita na ang mga naturang magkakahiwalay na insidente ay inako ng Henry Abraham Command ng New People’s Army.

Facebook Comments