Muntinlupa – Tinutugis na ng mga otoridad ang iba pang sangkot sa pamamaril sa nakapatay na dalawang jail guards sa Muntinlupa nitong Huwebes, Enero 18.
Ayon kay Senior Supt. Dante Novicio, hepe ng Muntinlupa PNP, napatay ng rumespundeng dalawang tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology ang gunmen na si PO3 Arnel Rubio, isang awol na pulis.
Habang napatay naman ni Rubio sina Jail Officer 1 Felino Salazar at Jail Officer 2 Elmer Malindao na kapwa kalalabas lang galing duty sa Muntinlupa City jail.
Sinabi naman ni Novicio na inaalam na nila kung kasabwat ni Rubio ang napatay na si PO1 Jover John Lardizaban ng NCRPO at ang grupo ng nakamotorsiklo sa lugar.
Kasabay nito, inabswelto naman ng Muntinlupa PNP ang kawani ng Bureau of Correction na inagawan ng motorsiklo ni Rubio.
Sasailalim naman sa ballistic exam ang baril ng mga napatay na pulis at jail guard para malaman kung nagamit na ito sa ibang krimen.