Manila, Philippines – May tatlong persons of interest ang Philippine National Police (PNP) sa pagpatay kay Trece Martires Vice Mayor Alexander Lubigan.
Ayon kay Cavite Provincial Police Director Senior Superintendent William Segun, politika ang sinisilip nila sa pamamaslang kay Lubigan.
Aniya, nangyari kasi ang pamamaril ilang araw bago ang plano nitong pag-anunsyo sa kaniyang pagtakbo para sa pagka-alkalde.
Hawak na rin aniya nila ang iba pang CCTV footage ng mga kapalit na bayan na nakuhaan ang pick-up truck na gamit ng mga suspek.
Sinabi naman ni Police Region 4A Director Chief Superintendent Edward Carranza, na kabilang sa kanilang iimbitahan para sa imbestigasyon si Trece Martires Mayor Melandres De Sagun.
Pero hindi aniya nila itinuturing person of interest ang alkalde.
Matatandaang nitong Sabado nasawi sa pamamaril si Lubigan at bodyguard nitong si Romulo Guillerme.