Hiniling ngayon ni Deputy Majority Leader at Bagong Henerasyon Partylist Representative Bernadette Herrera sa gobyerno na gumawa na ng updated database ng mga mahihirap na pamilya sa bansa.
Ito ay para na rin sa mabilis na pamamahagi ng ayuda tuwing panahon ng krisis.
Paliwanag ni Herrera, kung mayroong database ay maiiwasan ang pagkaantala ng distribusyon ng cash asssistance gaya ng nangyari sa Social Amelioration Program (SAP).
Ayon kay Herrera, ang national database ay dapat accessible sa pamamagitan ng website para sa transparency at accountability.
Sa ganitong paraan, matitiyak din na ang mga pangalang lalamanin nito ay ang mga karapat-dapat na tumanggap ng ayuda at hindi ang mga hindi kwalipikadong kaanak o taga-suporta ng mga opisyal ng barangay.
Pinamamadali na rin ng mambabatas ang implementasyon ng national Identification system para sa mabilis na pagtugon tuwing mayroong krisis at kalamidad.