Pinamamadali ni Committee on Persons with Disabilities Chair at Negros Occidental Rep. Ma. Lourdes Arroyo ang pamahalaan para magbigay ng updated na masterlist ng mga indibidwal na may kapansanan sa buong bansa.
Sa ginanap na pagdinig ng komite, ay napag-alamang magkaiba at hindi pa updated ang bilang mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mga Persons with Disability (PWD).
Batay sa PSA census noong 2010 ay nasa 1.442 million ang mga households na mayroong PWDs habang sa pinakahuling tala ng DSWD National Household Targeting data noong 2016 ay nasa 277,132 poor households lamang ang mayroong may kasama o kapamilyang may kapansanan.
Giit ni Arroyo, kailangan na ma-i-update at ma-consolidate ng dalawang tanggapan ang kabuuang bilang ngayon ng mga PWD upang mabigyan ng tamang program planning at sapat na pondo ang PWD sector.
Nangako naman ang DSWD na makikipag-ugnayan sa DOH at National Commission for Disability Affairs gayundin sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para mabuo ang naturang masterlist.
Mababatid na ibinulgar nila ACT-CIS Partylist Rep. Eric Yap at Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong na talamak ang gumagamit ng PWD ID na wala naman palang kapansanan at nagdulot na ng pagkalugi sa ilang mga negosyo ngayong may pandemya.