URGENT MOTION | Kampo ni Sombero, hiniling na maikulong na lamang sa PNP Custodial Center

Manila, Philippines – Naghain ng urgent motion ang kampo ni retired Policeman Wally Sombero na siyang itinuturong middle man ni Jack Lam sa 50 Million Bribery Scandal na kinasangkutan ng Bureau of Immigration.

Nakasaad sa urgent motion ang hiling ni Sombero sa Sandiganbayan na maikulong na lamang siya sa PNP Custodial Center.

Tinukoy naman ng abogado nito na si Atty. Jesi Lanete na ang dahilan kaya nais nilang sa PNP Custodial Center na lamang maikulong si Sombero ay dahil sa banta sa security at health issues.


Paliwanag ni Lanete, nagsilbing pulis si Sombero sa loob ng 27 taon at humawak io ng maraming Anti-Crime Task Force kabilang dito ang anti-drugs operation, smuggling at kidnapping.

Dahil dito, may mga banta sa buhay si Sombero kaya tiyak na mas ligtas kung sa PNP Custodial Center ito made-detain.

Maliban dito, may mga iniinda ding sakit si Sombero at malapit lamang sa PNP Custodial Center ang PNP Hospital para mas mabilis ang pagbibigay dito ng atensyong medikal.

Sa ngayon ay dinidinig na ang mosyon at hinihintay na lamang ang commitment order at depende pa rin sa Sandiganbayan kung saan ikukulong si Sombero.

Facebook Comments