Hiniling ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate sa Malacañang na sertipikahang urgent ang House Bill 7787 o ang P750 national minimum wage at ang House Bill 7653 o ang pagbasura TRAIN Law.
Giit ni Zarate, sa kasalukuyang estado ng ekonomiya ng bansa ay mas kinakailangan na madaliin ang pagsasabatas sa dagdag na sahod at pagrepeal sa TRAIN.
Mas lalo aniyang pinalala ng TRAIN Law ang taas presyo ng mga bilihin na lalong nagpapahirap sa mga Pilipino.
Nadagdag pa aniya dito ang humihinang Piso kontra dolyar na nakakaapekto sa pamumuhunan sa bansa.
Iginiit pa ni Zarate na ang hinihiling na P750 national minimum wage ay malaking tulong para makaalwan sa gastusin ang mga Pilipino.
Biro pa ni Zarate, ang P21 na idinagdag sa sahod ng mga manggagawa sa NCR ay makakabili lamang ng apat na sili dahil sa taas ng bilihin.