US, dapat lang magbayad ng patas sa paggamit sa PH military bases

Idinepensa ni Senador Imee Marcos ang paninindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte na karapat-dapat lang magbayad ng patas ang Estados Unidos sa Pilipinas.

Sang-ayon si Marcos sa Pangulo na ang $3.9 bilyon na ibinabayad ng Amerika sa Pilipinas noong 2001 hanggang 2017 ay napakaliit kumpara sa $16 bilyon na ibinabayad sa Pakistan.

Katwiran ni Marcos, hindi lang nabibigyan ng Pilipinas ang American forces ng unang depensa sa Indo-Pacific region kundi pati paggamit nila sa tubig at kuryente sa ating mga military bases ay binabayaran din natin.


Punto ni Marcos, napakaraming Pilipino ang hindi kayang magbayad sa tubig at kuryente ngayong may pandemya kaya makatwiran ba na ituloy pa rin natin ang subsidiya sa mga Amerikano.

Diin pa ni Marcos, kung wala ang Pilipinas ay hihina rin pati ang kalakal ng Amerika at ang mga pangako nitong seguridad ng rehiyon.

Giit ni Marcos, dahil din sa pagtanggap natin sa US forces ay magiging target naman ang Pilipinas ng mga kalaban ng Amerika, kahit hindi tayo direktang kasali sa anumang giyera na maaaring pumutok sa ating rehiyon.

Kaugnay nito ay muli ring isinulong ni Marcos ang pagsuri sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) dahil napapaikutan ng Amerika ang prohibisyon sa ating Konstitusyon sa foreign military bases sa bansa.

Facebook Comments