Dapat na palakasin pa ng Estados Unidos ang commitment nito sa Pilipinas.
Kasunod ito ng hiling ng Amerika na palawigin pa ng isang taon ang suspensyon ng pagpapawalang-bisa ng pamahalaan sa Visiting Forces Agreement (VFA) ng dalawang bansa.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Philippine Society for Intelligence and Security Studies (PSISS) at UP Prof. Rommel Banlaoi na overall objective ng US na maalis ang termination ng VFA kasunod na rin ng utos ni President-elect Joe Biden na palakasin ang existing alliance ng US sa buong mundo.
Gayunman, aminado ang security expert na mayroong ‘trust issue’ ang Pilipinas sa US dahil na rin sa kawalan nito ng aktuwal na depensa sa ginagawang pag-okupa ng China sa Scarborough Shoal noon pang panahon ni dating US President Barack Obama.
“Nung nangangailangan tayo talaga ng aktwal na depensa sa US ay hindi naman naisagawa. Yan ngayon ang isyu na kailangan i-settle ni Biden. Panahon pa ni Obama yan e na nawala sa atin yung kontrol sa Scarborough Shoal despite our existing alliance with United States. At yan ang pinanggagalingan kung bakit sinuspend natin ang VFA,” ani Banlaoi.
“Dahil sa konsepto na may kakayahan pala ang Pilipinas na i-suspend ang VFA, mas pinapalakas ngayon ng Estados Unidos yung commitment nila sa atin,” dagdag pa ng security expert.
Kaugnay nito, naniniwala si Banlaoi na epektibo ang taktika ni Pangulong Rodrigo Duterte na i-terminate ang VFA para maiwasan ang panghihimasok ng US sa panloob na usapin ng bansa.
At para mapalakas muli ang alyansa sa Pilipinas, kinakailangan ng Amerika na maalis ang terminasyon ng nasabing kasunduan.
“Tingin ko, nagwo-work yung approach ng ating Presidente na ginagamit niyang leverage yung ating sovereign prerogative na i-terminate ang VFA para maiwasan ang Estados Unidos na mag-comment o magsalita na sa tingin ng ating pamahalaan ay mag-i-interfere sa internal affairs. Sa tingin ko ay bahagi yan ng taktika ng ating Pangulo. Pinapakita dito na napakahalaga ng ating papel sa overall global objective ng Estados Unidos,” paliwanag ni Banlaoi.
Matatandaang bumisita kamakailan sa Maynila si US National Security Adviser Robert O’brien dala ang panibagong pledge ng Washington sa ilalim ng Mutual Defense Treaty para depensahan ang bansa sa oras na atakihin ito sa pinag-aagawang South China Sea.
Inakusahan naman ng China ang US ng paninira sa magandang relasyon ng China at Pilipinas.