Cauayan City, Isabela-Narekober ng mga awtoridad ang 24 na kahon na naglalaman ng US ‘empty canister’ sa baybayin ng Blue Lagoon, Brgy. Taggat Norte, Claveria, Cagayan kahapon, Enero 13,2021.
Ito ay makaraang ipagbigay-alam sa Philippine Coast Guard (PCG) at PNP Claveria ng tatlong mangingisda na pumalaot sa karagatan ang nadiskubre nilang palutang-lutang na kahon.
Ayon sa ulat, kasalukuyan ang ginagawang pagpapatrolya sa karagatan ng mga kasapi ng Western MARPSTA, RMU2 sa pangunguna ni PLT Wilford Cipriano kasama ang PCG at PNP Claveria ng biglang lumapit sa kanila ang mga mangingisdang sina Amado Pacpaco, Wilson Crpuz at Abrahan Bagaoisan upang ipasakamay ang kahon na naglalaman pala ng gamit ng US military.
Dahil dito, tumambad ang hindi bababa sa 90 empty canister na may marking ‘Warheads Rocket US’ na nakasilid sa kahon at matapos itong masuri ng Explosives and Ordnance Division ng Police Regional Office 02.
Paniniwala ng mga awtoridad na sinadyang itinapon ng mga kasapi ng US Navy na naglayag sa bahagi ng Luzon at napadpad sa Cagayan.