Handa ang Estados Unidos na ibahagi sa mga kaalyadong bansa nito ang bakuna laban sa COVID-19 oras na maging available na ito sa kanilang bansa.
Ito ang sinabi ni US Defense Secretary Mark Esper kay Defense Secretary Delfin Lorenzana sa conference call ng dalawa noong Biyernes.
Sa gitna ng tawag, pinasalamatan ni Lorenzana si Esper sa medical assistance at donasyong medical supplies ng gobyerno ng Amerika sa Pilipinas bilang tulong sa paglaban ng bansa sa COVID-19 pandemic.
Dito na aniya ibinalita ni Esper na maganda ang usad ng pag-develop ng US ng bakuna at gamot laban sa virus.
Kasabay nito, pinasalamatan din ni Esper ang Department of National Defense (DND) sa suporta sa desisyon ng Pilipinas na suspendihin muna ang termination ng Visiting Forces Agreement (VFA) nito sa pagitan ng Amerika.
Tinalakay rin ng dalawang defense official ang isyu sa security situation sa West Philippine Sea kabilang ang counterterrorism at logistics cooperation gayundin ang kapasidad ng Armed Forces of the Philippines na mag-upgrade.
Nag-commit din ang dalawang opisyal na ipagpapatuloy ang dayalogo sa gitna ng pandemya at palalakasin ang kooperasyon ng dalawang bansa.