US resolution, walang magiging epekto sa kaso ng gobyerno laban kay Sen Leila De Lima

 

Tulad ng naging pananaw ni DFA Secretary Teodoro Locsin, naniniwala din si Justice Secretary Menardo Guevarra na walang magiging epekto sa kaso ni Senadora Leila De Lima ang anumang resolusyon na ipinalabas ng senado ng Amerika.

 

Sinabi ni Guevarra na hindi anya maaaring  manaig ang pakikialam ng ibang bansa sa interest ng Pilipinas tulad ng iminumungkahi na ng U-S Senate Foreign Relations Committee na palayain na at ipawalang bisa ang kaso ni De Lima, maging ang kasong kinakaharap ni Rappler CEO Maria Ressa.

 

Si De Lima ay nahaharap sa kasong may kinalaman sa drug trafficking sa New Bilibid Prisons, habang si Ressa ay may kasong cyber libel at tax evasion.


 

Sakali man anya itong sundin ng Gobyerno ng Pilipinas, mangangahulugan lamang  na hindi natin sinusunod ang ating sariling batas, o rule of law.

 

Paliwanag ng kalihim, ang suhestyon, o mungkahi ng U-S senate ay labag sa rule of law dahil hindi ito dumaan sa tamang prosesong legal sa bansa.

 

Wala din anyang bigat ang nasabing resolusyon sa pamahalaan ng Pilipinas dahil maging ang korte ay hindi ito ikukunsidera.

 

Naniniwala din ang kalihim na sa  pangkalahatan ay magiging basura lamang ang resolusyon at hindi ito kilalanin.

Facebook Comments