Inilunsad ng Estados Unidos sa pamamagitan ng U.S. Agency for International Development (USAID) ang “ReliefAgad” web application nitong May 14, 2020.
Naglalayon itong makatulong sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mapabilis ang pamamahagi ng financial assistance sa mga Pilipinong lubhang apektado ng COVID-19 pandemic.
Sa ulat ng US Embassy, katuwang nila sa pagbuo ng “ReliefAgad” web application ang Department of Information and Communications Technology (DICT), Developers Connect Philippines (DEVCON), sa pamamagitan ng DEVCON Community of Technology Experts (DCTx).
Ang ‘ReliefAgad’ web application ay makakatulong sa DSWD at Local Government Units (LGUs) na mabilis makuha ang data ng mga benepisyaryo.
Gamit ang smartphones, maari nang irehistro ng Social Amelioration Program (SAP) beneficiaries ang kanilang Social Amelioration cards sa ‘ReliefAgad’ system website na www.reliefagad.ph.
Tinulungan rin ng USAID ang DSWD at ibang LGUs na i-adopt ang e-payment systems para sa disbursement financial assistance sa SAP beneficiaries.
Sinabi ni Winston Damarillo, CEO ng Talino Labs for DEVCON, mas mapapabilis ang pamimigay ng financial assistance kung pagsasamahin ang crowdsourcing at manual encoding lalo’t napakaraming pilipino ang target na mabigyan ng cash assistance.