Manila, Philippines – Inihayag ngayon ni DILG OIC-Secretary Eduardo Año na ituloy man o hindi ang usapang pangkapayapaan ay bukas ang Duterte Administration sa lahat ng rebeldeng handang isuko ang kanilang armas at magbalik loob sa lipunan.
Ayon kay Año, patunay nito ang sinseridad ng gobyerno sa tinatawag na Enhanced-Comprehensive Local Integration Program na namamahala sa kusang loob na sumukong mga NPA at miyembro ng militar upang maging produktibong mamamayan ulit.
Paliwanag pa ng dating AFP chief na katumbas ng kanilang ‘reintegration’ ang agarang tulong gaya ng mobilization expenses na 15 libong pisong, livelihood assistance na 50 libong piso, skills training, shelter at legal assistance.
Dagdag pa ng kalihim na sa nakalipas na tatlong taon, nagkaloob na ang ahensya ng 59.68-Milyong piso na financial assistance sa mga rebel returnees habang 45-Milyong piso naman ang ginastos na sa pagpapatayo ng mga pabahay sa iba’t-ibang probinsya.
Kaya ang apela ng kalihim sa pamilya, kaanak o kaibigan ng mga rebelde na tulungan ang DILG na hikayatan ang mga ito na bumaba na mula sa kabundukan at samantalahin ang pagkakataong magbagong buhay.
Kasabay din nito ang panawagan ni Año sa mga rebelde na itigil na ang karahasan o pangingikil at sa halip ay patatagin ang kanilang tiwala sa gobyerno para sa kapakanan ng peace talks.