Iginiit ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na “premature” o masyadong maaga pa para pagusapan ang Minority Leadership.
Ito ay matapos lumutang ang balita na hinihikayat si Capiz Rep. Fredenil Castro na maging Minority Leader upang mapanatili ang check and balance sa Kamara.
Ayon kay Zarate, “smokescreen” o panakip lamang sa umiinit na iringan at hindi pa mapahupang usapin sa Speakership race kaya umusbong ang usapin sa Minority leadership.
Duda si Zarate na may niluluto pang laban sa Speakership dahil hindi naman lahat ay kuntento sa naging endorsement ni Pangulong Duterte kay Taguig Rep. Alan Peter Cayetano bilang Speaker ng 18th Congress.
Bukod dito, may mga kumakalat din na mga text messages na nagsasabing huwag pansinin at suportahan ang pahayag ng Pangulo sa Speakership.
Katwiran pa ng kongresista kung talagang gusto ni Castro na maging minority leader ay dapat bahagi ito ng totoong oposisyon na tumutuligsa sa anti-democratic at anti-people policies ng administrasyon.