Utak ng rekomendasyong pabahain ang imported na pork sa bansa, dapat ilantad sa publiko

Pinapasiwalat ni Senate President Tito Sotto III kay Agriculture Secretary William Dar kung sino o anong grupo ang utak ng rekomendasyon sa pamahalaan na pabahain ng imported na pork sa bansa.

Ang nabanggit na rekomendasyon ang pinagbasehan ng Executive Order (EO) 128 na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagtataas sa dami ng aangkating karne ng baboy ngayong taon at nagbaba sa taripa nito.

Nais ni Sotto na marinig mismo sa nagmungkahi nito kung ano ang lohika at kailangang itaas ang volume ng imported pork ng higit sa kailangan ng mamamayan at bakit din kailangang ibaba ang taripa sa importasyon.


Ayon kay Sotto, dapat masagot ng nasa likod nito kung ang EO 128 ay para sa ikauunlad ng Pilipinas at kung makakatulong ba ito sa mga Pilipino o sa iilan lamang na mga negosyante at politiko.

Diin ni Sotto, ang rekomendasyon ay taliwas sa garantiya ni Pangulong Duterte na ang presyo ng pork at iba pang pagkain ay mananatiling abot-kaya ng publiko lalo na ngayon na lumalala ang pandemya.

Giit pa ni Sotto, hindi rin sang-ayon ang EO sa intensyon ni Pangulong Duterte na iprayoridad ang kapakanan ng ating mga magbababoy, mangingisda at magsasaka.

Facebook Comments