UTAK SA PAGPATAY KANDIDATONG KAPITAN SA AGUILAR, PANGASINAN, TUKOY NA NG AWTORIDAD MATAPOS IKANTA NG ISA SA MGA SUSPEK ANG MGA KASAMAHAN NITO SA KRIMEN

Sa pinagsama-samang pwersa ng kapulisan ng Aguilar, Mangatarem PS at ng PNP Pangasinan matagumpay na nahuli ang mga pangunahing suspek sa pagpatay sa aspiring Brgy. Kapitan sa Brgy. Bayaoas, Aguilar, Pangasinan.
Kinilala ng awtoridad ang mga suspek sa pamamaril sa biktimang si Arnel Flor Mata na tumatakbo sa pagka-kapitan na sina Kelly Doroy Rosario, 54-anyos, pangunahing bumaril kay FlorMata at tumatakbo rin sa posisyong Kagawad sa Brgy. Dorongan Punta sa bayan ng Mangatarem, Maria Magnolia Gelido, 58-anyos, mastermind sa pamamaril at incumbent Brgy. Captain ng Brgy. Bayaoas at si Jason Vicente, 32-anyos, residente ng nasabing lugar at ang nagkanta sa mga nasa likod ng pamamaril sa biktima.
Ayon sa imbestigasyon, binaril si Flormata habang papunta sa kaniyang sasakyan upang magpalit ng kanyang damit pagkatapos ng kanilang pagtitipon ngunit nilapitan ito ng gunman na si Rosario na manghihingi lang sana ng alak at dito na isinagawa ang pamamaril sa bahaging batok ng biktima at tumagos sa kanyang noo ang bala ng kalibre 45 na baril.

Agad na tumakas sa crime scene ang suspek sakay ng get-away tricycle na minamaneho ni Jayson Vicente.
Ayon kay PCol. Jeff Fanged, hinire ng incumbent Kapitan na si Magnolia ang gunman upang itumba ang kaisa-isang kalaban nito sa pagka-kapitan na si Flor Mata.
Ika-24 ng Oktubre 2023, nang magtungo sa awtoridad ang driver ng tricycle kasama ang kanyang abogado upang gawin ang extra-judicial confession o pagkanta sa pagkakakilanlan ng mga kasamahan nito.
Samantala, inihayag ni Vicente na tanging alam niya lang ay bubulabugin lang ang pagtitipon ngunit hindi niya sukat akalain na magreresulta pala sa pamamaril dahilan para kumanta ito at dahil nakonsensya umano siya.
Sa ngayon nasampahan na ng kasong murder ang tatlong suspek at nasa kustodiya na ngayon ng awtoridad ang mga ito.
Ayon naman kay Atty. Marino Salas, COMELEC provincial election supervisor na maaaring humalili ang asawa ng biktima sa pagtakbo nito sa Kapitan kung saan nakapag-file na rin ito ng COC.
Pinasalamatan naman ni Pangasinan Governor ang mabilis na hakbang ng kapulisan upang matugis agad ang mga suspek.
Nagpaabot naman ng pakikiramay at tulong pinansyal ang pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan ng P100, 000 sa naiwang pamilya ng biktima. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨
Facebook Comments