Utang ng bansa, inaasahang mababawasan pagkatapos ng termino ni PBBM

Inaasahang bababa na ang utang ng bansa pagkatapos ng administrasyong Marcos.

Ito ang inihayag ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara sa gitna ng budget deliberation ng P5.268 trillion 2023 national budget.

Kaugnay rito ay tinanong kasi ni Senate Minority Leader Koko Pimentel si Angara kung bababa ba ang utang ng bansa kapag nakapagbayad ng P1.5 trillion sa susunod na taon.


Sa tingin ni Pimentel ay baka lumagpas pa sa P1.5 trillion ang babayarang principal at interest sa utang pagsapit ng 2024 pero ang kabuuang utang naman ng bansa na P13.5 trillion ay pinangangambahang baka lumaki pa.

Pagtitiyak ni Angara, mananatili sa mahigit P13 trillion ang utang ng bansa sa ‘foreseeable future’ pero pagkatapos ng administrasyong Marcos ay inaasahang mababawasan na ito dahil ang layunin naman ay maibaba ang deficit at utang sa gross domestic product (GDP) ratio sa ilalim ng Medium Term Fiscal Framework o MTFF ng administrasyon.

Facebook Comments