5 sundalo, sugatan sa nagpapatuloy na bakbakan ng militar at MILF sa Basilan

Kinumpirma ni Joint Task Force Basilan Commander Brig. Gen. Domingo Gobway na 5 sundalo ang sugatan sa nagpapatuloy na bakbakan ng mga tropa ng militar at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Ulitan Basilan.

Ayon kay BGen. Gobway, nagsimula ang bakbakan kahapon ng tanghali matapos barilin ng sniper ng MILF ang escort ng battalion commander na sa kabutihang-palad ay naka-suot ng kevlar vest.

Sinabi pa ni Gobway na mainit ang palitan ng putok ng magkabilang panig at patuloy rin ang pagdating ng reinforcements ng MILF kung saan sa ngayon ay nasa 100 na ang bilang ng mga kalaban.


Paliwanag pa nito, ang nagiging problema ngayon sa Basilan ay kinakanlong ng MILF ang iba pang myembro ng lawless elements kaya nagpapatuloy parin ang bakbakan.

Samantala, nakikipag-usap na ang militar sa Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH) at umaasa na hindi na lalala pa ang sitwasyon ngayon sa Basilan.

Facebook Comments