Pinaiimbestigahan ng samahan sa sektor ng agrikultura at ng Abono party-list ang kabiguan ng Department of Agriculture (DA) na bayaran ang utang nito sa mga dealer sa Region 1 na nagkakahalaga ng P100,000,000 na halaga ng fertilizers.
Ayon kay Rosendo So, presidente ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) at Abono party-list chairman sa pagdalo nito sa media forum sa Maynila, hihilingin nila sa tanggapan ni Senator Cynthia Villar na chairman ng Committee on Agriculture na magsagawa ng Senate inquiry sa nasabing usapin.
Aniya, sa ilalim ng fertilizer subsidy program ng DA, babayaran ang mga dealer sa mga fertilizer na kanilang ide-deliver sa mga farmer-beneficiaries na aabot sa P100,000.
Ipinagtataka ni So kung bakit hindi pa mabayaran ang mga dealer gayung may pondo na ang DA para rito base mismo sa Development Bank of the Philippines.
Dahil sa hindi pagbabayad ng kagawaran sa mga dealer, hindi sila makabili ng bagong stock ng abono na makaka-apekto rin sa mga benipisyaryong magsasaka.