Utang ng PhilHealth sa PRC, dapat mabayaran na para hindi maapektuhan ang COVID-19 testing capacity ng bansa

Iginiit ni Senator Christopher Bong Go na mahalagang maresolba sa lalong madaling panahon ang ₱930 million na utang ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth sa Philippine Red Cross (PRC).

Paliwanag ni Go, ito ay upang hindi maapektuhan ang COVID-19 testing capacity ng bansa kung saan buhay at kabuhayan ng mamamayan ang nakasalalay.

Bilang Chairman ng Senate Committee on Health ay tumutulong na rin si Go na maayos ang pagkakautang ng PhilHealth na naging dahilan sa paghinto ng PRC sa pagsasagawa ng COVID-19 test.


Diin ni Go, hindi dapat madagdagan pa ang pinapasan ng mga kababayan nating kailangang gumastos para sa COVID-19 testing, katulad ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs), returning individuals, medical frontliners, at iba pa.

Kaugnay nito ay kinausap na rin ni Go si PhilHealth President and CEO Dante Gierran upang alamin ang sitwasyon at dahilan sa hindi pa nababayarang utang.

Ayon kay Go, sa ngayon ay nakikipag-usap na rin ang PhilHealth sa Department of Budget and Management (DBM) para masigurong mababayaran nang naaayon sa procurement laws ang utang nito sa Philippine Red Cross.

Facebook Comments