Posible umabot pa sa P15.4 trillion ang utang ng bansa kung hindi naging maingat sa paggastos ng pondo ang administrasyong Duterte.
Ayon kay Department of Finance (DOF) Usec. Gil Beltran, ito ay kasunod nang pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19 pandemic.
Paliwanag nito, gumastos ang national government ng kailangang pondo pero hindi higit sa kaya lang ng bansa.
Aniya, tinutukan ng pandemic response ng gobyerno ang pagsustento sa pinakamahalagang health interventions tulad ng pagbili ng bakuna at emergency relief measures o ayuda para sa pinakamahihirap na populasyon na matinding naapektuhan ng pandemya.
Sa katunayan, hindi sinuportahan ng pamahalaan ang ilang stimulus bills na kapwa nagmumungkahi na maglaan pa ng daan-daang bilyong pisong pondo dahil batid aniya nilang magpapataas ito ng deficit at utang ng bansa.
Giit nito, para matugunan ang epekto ng pandemya, umutang ang pamahalaan mula sa multilateral partner-institutions para makabili ng sapat na suplay ng bakuna para sa target population.
Kung matatandaan sumampa na sa P12.76 trillion ang utang ng bansa sa pagtatapos ng buwan ng Abril.