
Sinisilip ng Pasay City Police ang anggulong malaking pagkakautang kaya pinaslang at pinag-chop-chop ang isang Chinese national na inilagay sa isang drum na natagpuan sa Binondo, Maynila.
Sinabi ni Pasay City Police Chief Colonel Joselito de Sesto, lumabas sa kanilang inisyal na imbestigasyon na may utang ang biktima sa Taiwanese national na utak ng brutal na pagpaslang.
Paliwanag ni De Sesto, parehas umano sa online scamming ang trabaho ng suspek at biktima na batay na rin sa salaysay ng live-in partner ng biktima na isang Pinay.
Kahapon nang madakip ang Taiwanese national sa isang casino sa Seaside Boulevard sa Parañaque City.
Naaresto ang suspek dahil sa sunod-sunod na follow-up operations, sa tulong ng live-in partner ng suspek, at koordinasyon sa hotel management na nagbigay ng mahahalagang impormasyon sa kanyang kinaroroonan.
Sabi ni De Sesto, matalik na magkaibigan ang dalawa at nakatira pa ang suspek sa condominium ng biktma sa Roxas Boulevard sa Pasay City.
Isang lagari at malaking kutsilyo ang ginamit sa nasawing Chinese national bago ilagay sa drum at nilagyan pa ng kimchi sauce.
Una rito, naaresto ng mga otoridad ang kasabwat na Chinese national.
Wala pa namang pahayag ang dalawang suspek na sumailalim na sa medical examination bago iharap sa piskalya para sa inquest proceedings.










