Isang kahanga-hangang halimbawa ng katapatan ang ipinamalas ng isang utility staff mula sa Market Office ng Lingayen, Pangasinan matapos niyang isauli ang isang sobreng may laman na pera na kanyang napulot.
Si Iglesias Jardin, sa kabila ng anumang tukso, ay hindi nagdalawang-isip na dalhin ang sobre sa kanilang HR Management Office upang mahanap at maibalik ito sa tunay na may-ari.
Ayon sa kanya, mahalaga ang pagiging matapat anuman ang estado ng buhay.
Pinaniniwalaang nahulog ang sobre habang abala sa pamimili ang may-ari nito sa palengke. Mabuti na lamang at nanatiling maayos at hindi nagalaw ang naturang sobre nang makita ito ni Jardin.
Sa ipinakitang katapatan ni Iglesias Jardin, mas umiral ang takot sa Diyos at ang hangaring gawin ang tama—isang ugali na dapat tularan ng bawat isa.
Ipinapakita nito na sa kabila ng anumang pagsubok sa buhay, ang pagiging matapat ay isang kayamanang hindi matutumbasan ng pera. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨









