Buo ang suporta ng Mababang Kapulungan sa mga hakbang ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. para maging abot-kaya ng mga Pilipino ang bigas.
Pahayag ito ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, makaraang iutos ni Pangulong Marcos Jr. ang pagtatakda ng price ceiling sa bigas na aniya’y napapanahon at kailangang ipatupad.
Kasabay nito, ay pinuri din ni Romualdez ang pagtutulungan ng Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI) at Bureau of Customs (BOC) para masigurado na ito ay maipatutupad habang patuloy na tinutugunan ang mga sanhi ng pagtaas sa presyo ng bigas.
Bunsod nito ay nangako naman si Romualdez na lalong paiigtingin ng Kamara ang komprehensibong imbestigasyon at pagbabantay laban sa hoarding, price manipulation, at cartel ng bigas at iba pang produktong agrikultural at pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino.
Diin ni Romualdez, patuloy na makikipag-ugnayan ang House of Representatives sa ehekutibo para mapalakas ang sistema at mekanismo para protektahan ang kapakanan ng mga mamimili at mahadlangan ang mga tiwaling gawain na nakakasama sa ating ekonomiya at sa taumbayan.