Manila, Philippines – Uumpisahan na bukas, August 28 ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang sabayang distribusyon sa mga rehiyon ng ‘fuel cards’ sa ilalim ng Pantawid Pasada Program ng gobyerno.
Sa advisory ng LTFRB, magkakaroon ng launching activity para dito mula sa kanilang Central Office Building sa East Avenue, Quezon City ganap na alas-8:00 ng umaga.
Si LTFRB Chairman Martin Delgra III naman ang mangunguna sa nationwide releasing ng ‘fuel subsidy’ sa itinalagang distribution center sa Region 11 sa GSIS compound sa MacArthur Highway sa Bayan ng Matina sa Davao City.
Noong nakaraang buwan, inisyal na ipinatupad ng regulatory agency ang programa para sa mga benepisiyaryo sa National Capital Region (NCR).
Saklaw ng Pantawid Pasada Program ang halos 180,000 beneficiaries sa buong bansa na kinabibilangan ng mga tsuper at opereytor ng jeep na may lehitimong prangkisa.
Bawat ‘debit cards’ na inisyu ng Land Bank of the Philippines (LBP) ay kargado ng P5,000 na lump sum na pantulong sa epekto nang walang prenong pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo sa world market at bunsod ng tax reform law.
Para sa buwan ng Hulyo hanggang Disyembre ng taong 2018, P977 million ang inilaan na fuel subsidy at plano ng LTFRB na taasan ang pondo nito para sa susunod na taon.